Isang malawakang reporma sa sektor ng kalusugan na naglalayong bigyan ng access ang lahat ng Filipino sa de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan nang walang dapat ipangamba sa gastusin.
Photo Courtesy: https://www.philhealth.gov.ph/ |
Pagkaraan ng 15 araw matapos malathala sa Official Gazette nuong Pebrero 21, 2019 naging epektibo ang batas, subalit, ito ay nangangailangan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) paralubos itong maipatupad. Binibigyan ang DOH at PhilHealth ng 180 araw para makumpleto ang IRR. Habang binabalangkas ang IRR, mananatiling ipinatutupad ang mga umiiral na polisiya ng PhilHealth.
Paano ako magiging miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng UHC?
Mayroon na lamang dalawang kategorya ng membership kung saan ang lahat ay maaaring mapabilang – ang Direct at Indirect Contributors. Ang mga dati nang miyembro ng PhilHealth – aktibo man o hindi – ay nananatiling miyembro. Ang mga hindi pa miyembro ay itinuturing na kabilang na rin sa Programa dahil sa Batas UHC awtomatikong miyembro na ang lahat ng Filipino.
Sino-sino ang kabilang sa Direct Contributors?
Ang mga nasa Formal Sector (employed); migrant workers; may sariling pinagkakakitaan; professional practitioners; at lifetime members kabilang na ang qualified dependents nila.
Sino-sino ang kabilang sa Indirect Contributors?
Ang lahat ng hindi kabilang sa Direct Contributors ay ibibilang na Indirect Contributors, kasama na ang mga dati nang ipinagbabayad ng Pamahalaan batay sa itinadhana ng mga naunang batas.
Paano ako mapapabilang sa Indirect Contributors?
Kung ikaw ay:
• Indigent Members na nakatala sa Listahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)
• Senior citizens batay sa itinadhana ng Republic Act 10645
• Persons With Disabilities (PWDs) batay sa itinadhana ng RA 11228
Paano na ang pamilya ko? Covered pa rin ba sila sa ilalim ng UHC?
Awtomatikong covered pa rin ng PhilHealth ang lahat ng qualified dependents ng isang aktibong miyembro – sila man ay Direct o Indirect Contributor ng Programa.
Kung awtomatiko nang miyembro ng PhilHealth ang lahat ng Filipino, pwede na ba akong hindi na magbayad ng kontribusyon?
Ang Direct Contributors ay dapat na patuloy na magbayad para manatiling aktibo ang PhilHealth coverage at upang magamit ang mga benepisyo sakaling mag-avail sa alinmang accredited hospitals sa bansa.
Paano ako magiging miyembro? Libre ba ang magpa-miyembro sa ilalim ng UHC?
Ang kasalukuyang proseso ng membership ay nananatiling iiral hanggang sa magkaroon na ng IRR ang batas. Ang pagpapatala bilang miyembro ng PhilHealth ay libre, ngunit ang pagbabayad ng kaukulang kontribusyon ay kinakailangan batay sa kategorya ng miyembro.
Paano kung wala pa akong hulog? Makagagamit ba ako ng benepisyong PhilHealth?
Tiniyak ng Batas UHC ang agarang paggamit ng benepisyo (immediate entitlement) ng lahat ng miyembro; at hindi dapat maging balakid ang kawalan ng kontribusyon para kamtin ang kinakailangang serbisyo.
Lamang ay nilinaw ng batas na ang Direct Contributors na may hindi nabayarang kontribusyon ay dapat na bayaran ito ng may interes. Ang detalye ng bagay na ito ay malalaman sa IRR ng batas.
Kinakailangan pa ba ng Member Data Record (MDR) o PhilHealth ID sa paggamit ng benepisyo?
Nakasaad sa batas na hindi na kailangan ng PhilHealth ID upang makagamit ng benepisyong PhilHealth
May pagtaas ba ng kontribusyon kapag ipinatupad na ang Batas UHC?
Isinasaad sa Batas UHC ang adjustment sa kontribusyon ng Direct Contributors gaya ng sumusunod:
Year Premium Rate Income Floor Income Ceiling
2019 2.75% PhP 10,000.00 PhP 50,000.00
2020 3.00% PhP 10,000.00 PhP 60,000.00
2021 3.50% PhP 10,000.00 PhP 70,000.00
2022 4.00% PhP 10,000.00 PhP 80,000.00
2023 4.50% PhP 10,000.00 PhP 90,000.00
2024 5.00% PhP 10,000.00 PhP 100,000.00
2025 5.00% PhP 10,000.00 PhP 100,000.00
Pareho lang ba ang benepisyong makakamit ng Direct at Indirect Contributors?
Ang mga pangunahing benepisyong matatanggap ng mga miyembro ay pareho lamang bagamat nilinaw sa batas na may karagdagang benepisyo ang mga Direct Contributors, kung kinakailangan. Ang kasalukuyang benepisyong PhilHealth ay hindi mababawasan bagkus ang mga ito ay madaragdagan pa.
Covered na rin ba ang emergency cases?
Ang emergency health services ay saklaw na sa binabayaran ng PhilHealth at ito ay ginarantiyahan din sa batas.
Mababayaran na rin ba ang outpatient drugs?
Sa kasalukuyan, kabilang ang maintenance medicines para sa asthma, diabetes, hypertension at acute gastroenteristis sa Expanded Primary Care Benefit package na kinakamtan na ng maraming miyembro ng PhilHealth.
Itinadhana ng Batas UHC na sa loob ng dalawang taon ay kinakailangang magpatupad ang PhilHealth ng komprehensibong outpatient benefits kabilang ang outpatient drugs at emergency medical services.
Magiging epektibo pa rin ba ang 45 days allowance gayun din ang single period of confinement sa ilalim ng UHC?
Ang kasalukuyang panuntunan ng PhilHealth ukol sa mga ito ay mananatili at kung may pagbabago man ay malalaman sa IRR ng batas.
Magagamit ba ang benepisyo sa lahat ng ospital?
Ang benepisyong PhilHealth ay magagamit sa lahat ng PhilHealth-accredited hospitals sa buong bansa.
Mapapakinabangan ko pa rin ba ang PhilHealth kung ako ay may HMO o private health insurance?
Oo. Magagamit pa ang PhilHealth, subalit magtatakda ng polisiya ang PhilHealth, DOH, HMOs at iba pang private health insurance hinggil dito.
Kung ako ay may nararamdaman, kailangan bang sa ospital agad ako magpunta?
Dapat na dumaan muna ang lahat sa primary care providers kung saan sila nakarehistro upang masuri; malapatan ng lunas o mai-refer sa mas mataas na antas ng pagamutan batay sa uri ng kanilang karamdaman, kabilang na ang emergency o seryosong kaso at distansya ng lugar sa pagamutan.
Paano matitiyak na de-kalidad na serbisyo ang maibibigay sa bawat miyembro?
Ang PhilHealth ay magpapatupad ng programa para bigyan ng incentive ang mga health facilities na nagbibigay ng de-kalidad at maayos na serbisyo. Sa ganito ay mahihikayat ang lahat ng pasilidad na pagbutihin ang kalidad ng kanilang serbisyo sa kapakinabangan ng mga mamamayan.
Ano ang Special Health Fund (SHF) at para saan ito?
Ang SHF ay pinagsama-samang pondo (pooled funds) na nakalaan sa mga serbisyong pangkalusugan, health system operating costs, capital investments, suweldo ng mga karagdagang health workers, at incentives sa lahat ng health workers.
Sa ilalim ng SHF ay mawawala na ba ang bahagi (share) ng mga duktor at iba pang health workers batay sa kasalukuyang sistema?
Mahalagang bigyang-diin sa ngayon na nilalayon ng UHC ang pagbuti ng kapakanan at katayuan ng lahat ng health workers at ang isyung ito ay malilinawan sa IRR na kasalukuyang binabalangkas.
Paano na ang sistema ng pagbabayad sa claims ng mga ospital sa ilalim ng UHC?
Ang pagbabayad sa mga ospital ay sa pamamagitan na ng prospective payments batay sa diagnosis related groupings at validated costing methodologies. Samantala ang kasalukuyang panuntunan ng PhilHealth sa pagbabayad ng claims ay nananatili habang binabalangakas pa ang IRR.
Kaya ba ng pondo ng PhilHealth ang gastos sa reporma ng UHC?
Kaakibat ng pagpapatupad ng batas ang kahandaan at pagtutulungan ng bawat ahensya ng gobyerno na matustusan ang lahat ng pangangailangang pinansyal sa ilalim ng UHC. Bukod sa kontribusyon ng Direct Contributors, isinaad din sa Batas UHC ang iba pang fund source gaya ng sin taxes; share ng Pamahalaan sa PAGCOR at PCSO; sa pondo ng DOH at premium subsidy ng PhilHealth sa ilalim ng General Appropriations Act.
May ngipin ba ang Batas UHC laban sa mga tiwaling miyembro, duktor, ospital at employer?
Duktor o ospital?
Ayon sa batas, ang duktor at ospital na lumabag sa anumang probisyon ng kontrata ay mabibigyan ng karampatang parusa at penalty sa halagang P200,000 kada paglabag; o suspensyon ng kontrata hanggang tatlong buwan; o pag-iksi ng accreditation period; o pareho, depende sa bigat ng paglabag batay sa ipapasya ng PhilHealth.
Miyembro
Kung miyembro naman ang may paglabag, halimbawa ay nakipagsabwatan sa duktor, ospital o employer, siya ay pagmumultahin ng P50,000 kada paglabag; o suspensyon sa paggamit ng benepisyo na hindi kukulangin sa tatlong buwan ngunit hindi lalampas ng anim na buwan; o kaya ay pareho, depende sa bigat ng paglabag batay sa diskresyon ng PhilHealth.
Employer
Kung ang employer ay hindi inirehistro o tumangging irehistro ang kaniyang empleyado,; o kaya ay hindi tama o hindi sapat ang ibinawas; o wala sa nakatakdang oras ang pagbabayad; o hindi nagsusumite ng report sa PhilHealth ay mapapatawan ng P50,000 kada apektadong empleyado; o pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi hihigit sa isang taon; o pareho, ayon sa diskresyon ng korte.
Reference: https://www.philhealth.gov.ph/uhc/
No comments:
Post a Comment