Tigdas Sa Bata: Paano Maiiwasan? - Dr. Willie T. Ong - PH Trending

PH Trending

Latest Philippine news, trending stories about people, politics, sports, viral videos, technologies & more...

Breaking

Post Top Ad

Saturday, 16 February 2019

Tigdas Sa Bata: Paano Maiiwasan? - Dr. Willie T. Ong

Tigdas Sa Bata: Paano Maiiwasan?

Ayon kay Dr. Willie T. Ong, ang tigdas ay isang nakakahawang sakit ng mga bata edad 6 months hanggang 12 years. Ang tigdas (measles) ay galing sa measles virus (medical term ay rubeola). Kadalasan ang mga bata sa mahihirap na bansa ang nagkakaroon ng tigdas.

Sintomas ng Tigdas (Measles)

Ang sintomas ng tigdas ay lagnat, sipon, ubo at kakaibang rashes sa buong katawan. Nag-uumpisa sa lagnat na tumitindi pagdating ng 4 hanggang 5 araw. Pagkatapos, lalabas ang makapal na rashes mula sa mukha pababa sa buong katawan. Kapag nakakita ka na ng batang may tigdas, alam mo na ang hitsura nito. Pagkalipas ng 4 hanggang 5 araw, mawawala na ang rashes at ang lagnat.

*Seryoso ang sakit na tigdas dahil puwedeng magka-komplikasyon. Isa sa bawat 10 bata na may tigdas ay magkakaroon ng impeksyon sa tainga na puwedeng kumalat sa utak. Isa sa bawat 20 bata ay magkakaroon ng pulmonya, at isa sa sa bawat 500 bata ay namamatay sa tigdas.

Paano nakakahawa ang tigdas? 

Ang virus ng tigdas ay maaaring maipasa ng batang maysakit sa ibang bata sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahinga. Kapag natamaan sila ng tigdas, maghihintay muna ng 8-12 araw bago lalabas ang mga sintomas ng tigdas.

Kailangan maihiwalay ang mga batang may tigdas. Nakakahawa ang mga bata sa loob ng 4 na araw bago magkaroon ng sintomas ng tigdas, at hanggang sa 5 araw pagkatapos lumabas ang mga rashes.

Gamutan sa Tigdas:

1. Mahabang pahinga at pagtulog ang kailangan ng bata.
2. Kapag may mataas na lagnat, puwedeng punasan ang bata ng maligamgam na tubig at gamit ang bimpo.
3. Painumin ng maraming tubig o Oresol ang bata.
4. Tanggalin ang mga muta sa mata sa pamamagitan ng tubig na may konting asin.
5. Diliman din ang kuwarto dahil sensitibo ang kanilang mata sa liwanag.
6. Gupitan din ang mga kuko ng bata at lagyan ng guwantes ang kamay. Ito’y para hindi kamutin ang rashes dahil magsusugat ito.

Maiging kumonsulta sa inyong doktor.

Paanong Iiwas sa Tigdas?

Ang bakuna ang pinakamabisang panlaban sa tigdas. Ito ay kasama sa MMR vaccine kung saan may panlaban ito sa Measles, Mumps at Rubella. Pabakunahan ang mga sanggol at bata sa health center sa edad 9 buwan at 15 buwan. Puwede na rin bakunahan ang 6 months na bata.

Tandaan: Nakamamatay ang tigdas. Kaya pabakunahan na ang mga anak sa health center.

Maaring Magustuhan Mo Rin:
Anemia o Anemic: Mga Sintomas at Solusyon - Dr. Willie T. Ong

Reference:
Doc Willie Ong: https://web.facebook.com/DocWillieOngOfficial

No comments:

Post a comment

Post Bottom Ad

Pages